Martes, Setyembre 29, 2015

Paunang Salita



Sa kadahilanang ang wika ay dinamiko at buhay, ito'y nagbabago. Sa kasalukuyan, masasabing ang ating wika ay unti-unting natatabunan ng mga likhang-wika o mga klase ng wikang pinausbong ng mga tao gamit ang makukulit na imahinasyon. Kasama sa mga wikang likha ay ang "jejemon" at "gay lingo".


Ang wikang Filipino ay isa sa pinakamahalagang kultura na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Hindi dapat natin kalimutang gamitin at tangkilikin ang wikang Filipino dahil ito ang nagbubuklod sa atin upang tayong lahat ay magkaisa at magkaroon ng pagkakakilanlan. Kung kaya't isinusulong naming mga mag-aaral ng De La Salle Lipa ang aming adbokasiyang pagyabungin
 at pagyamanin ang wikang Filipino.



Ang Pinag-ugatan



 Ayon sa isang reperensiya, "ang mga jejemon ay mga taong may kakaunting kaalaman sa tamang bantas, gramar at sintaks." Lalong nakilala ang mga jejemon sa kanilang paraan ng pagte-tetext - "3ow phow, mUsZtAh nA?".
Habang ang gay lingo naman ay umusbong sa pagdami ng mga taong yumayakap sa LGBT Community​. Ito ay naging lenggwahe na ng mga bakla, tomboy at ng iba pang kasapi ng nasabing komunidad.

At dahil sa pag-usbong ng mga lenggwaheng katulad ng jejemon at gay lingo, maling gamit ng wika ang kinamumulatan ng mga batang nabubuhay sa kasalukuyang henerasyon at kung hindi maaagapan ay pati na rin ang mga susunod pang henerasyon. Ang wika ay isang sistematikong balangkas na may sinusunod na istraktyur na nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika. Kung kaya't kung hindi maaagapan ang mga lenggwaheng-likha ay matatanggal ang kahulugang may sinusunod na istraktyur ang wika.

Hangad ng Adbokasiya


Noon pa man ay mahalaga na ang wika. Ito ang nagsisilbing tulay upang tayo ay makipagtalastasan sa iba at makapagpahayag ng ating saloobin. Ngunit sa paglipas ng panahon ay tila ba unti-unti na ring nagbabago ang wikang ginagamit ng mga Pilipino. Ang dating mga salitang pambuong bansa ay nawawala na at napapalitan na ng mga makabagong salita. Sa pag-usbong ng mga makabagong salita ay lumalaki ang posibilidad na mapalitan na nito ang mga basikong salita na dapat nating gamitin. Dahil dito ay nabuo ang aming ideya na pangangalap ng mga babasahing tagalog na angkop sa mga bata at ang pamamahagi nito sa kanila. 
Ang gawaing ito ay naglalayong maunawaan ng mga kabataan ang tamang paggamit ng wika.





Ang ating wika ay isa sa pinakamahalagang kultura na pinagyaman ng ating mga ninuno kung saan ito ay nararapat lamang nating tangkilikin, pagtibayin at mas pagyamanin. Dahil dito, minimithi namin na maunawaan ng mga kabataan ang kahalagahan nito bago pa ito tuluyang maisantabi dahil sa mga likhang-wika na nauuso at sumisikat dala ng malikot na imahinasyon ng isipan ng mga tao. Hinahangad namin na sa tulong ng aming mga paraan ay mabawasan ang kamang-mangan sa tamang paggamit ng ating sariling wika ang ilang mga kabataan. Nararapat lamang na matutunan ng mga bata ang tamang paggamit ng ating wika at maikumpara ang kaayusan nito kumpara sa kabalbalan ng wika sapagkat ang kabataan ang siyang magtutuloy ng henerasyon sa hinaharap. Nais naming ipagdiinan na bagamat ang wika ay daynamiko, hindi pa rin dapat kalimutan at isantabi ang wikang noon pa man ay parte na ng lipunan at gamit ng karamihan.


Mga Hakbang sa Adbokasiya

Kaakibat ng pag-usbong ng iba't-ibang lenggwaheng tumatabon sa ating orihinal na wika, napukaw ang aming damdaming maka-wika. At dahil rito ay nakabuo kami ng isang adbokasiyang makakatulong upang maibsan ang kakulangan sa kaalaman ng ating mga kababayang kabataan sa isang wikang nasa antas na pambansa. Narito ang mga hakbang upang maisakatuparan ang aming adbokasiya:


(1) Napag-desisyunan namin na mangalap ng mga babasahing tagalog na para sa mga bata. Mga istoryang may kabuluhan at may aral na mapupulot. Ang mahalagang bagay sa babasahing ito ay ang salitang gamit. (Nararapat na nasa lenggwaheng tagalog ang mga babasahin). Halimbawa ng mga babasahing ito ay ang kwentong, "Si Ming-ming, si Aw-aw at si Ik-ik", "Bakit nasa labas ang buto ng kasoy?", atbp.   


(2) Ang mga babasahin ay manggaling sa aming mga pangangalap, sa mga taong gustong mag-abot ng libro, mga lumang libro ng bawat isa sa amin, atbp.



(3) Sa aming adbokasiyang ito ay tutulungan namin ang isang programang handog ng Les Lasallian Lumieres, ang WEAR: Donations for Old clothes, Books and toys, na naglalayong matulungan ang ating mga kapatid na nasa isang bahay-ampunan.
(4) Linalayon ng programa na mabigyang tulong ang mga batang nasa edad 4-12 na nainirahan sa SOS Childrens Village Lipa City sa Banay-banay, Lipa, Batangas.  


(5) Ang nasabing programa ay sisimulan ng mga kabataang parte ng Les Lasallian Lumieres sa tulong ng kanilang punong-tagapamahal na si Gng. Roselie Prospero.


Sa ilalim ng aming adbokasiya ay layon naming matulungan ang mga kabataang Pilipino para sa kahaharaping suliranin sa hinaharap ukol sa lenggwaheng kanilang ginagamit. At sa tulong ng organisasyong nabanggit sa itaas ay masasabi naming kahit estudyante man kaming maituturing ay alam naming kami ay may maaaring gawin para sa ikauunlad ng bukas ng sambayanang Pilipino.

Benepisyo at Inaasahang Resulta

Mahalaga ang ating wikang pambansa sapagkat ito ang ating ginagamit  sa pakikipagtalastasan, ginagamit din ito upang malinaw o epektibong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng isang tao gayundin isa itong mabisang kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.

      Ang pag-aaral sa  paksang ito ay mainam at masasabing napapanahon dahil ating napapansin na lubhang laganap at mas tinatangkilik ang modernong salita o lenggwahe sa pag-usad ng panahon. Ito marahil ay bunsod na rin  ng modernong komunikasyon tulad ng telebisyon, radyo, text, email, internet o social media networks gaya ng Facebook, Twitter, Instagram, mga maiinit na website tulad ng Youtube. Alam naman natin na sa isang pindot lang ng button ay naroon na kaagad tayo sa piling website na pwede nating makita ang mga kasalukuyang pangyayari, mga nakaraang isyu na kapansin-pansin, maging mismong mga may akda ay gumagamit na rin ng kung anong wika o salita na napapanahon, trending o viral at madaling maintindihan. Bagamat meron din naman tayong mga websites na makikita ang mga tama o akmang salita, napupuntahan lang ito kung may pagsasaliksik at ang pagsasabuhay ay hindi pa rin ganap dahil nga marahil na rin sa ating kultura na mahilig makiuso na ika nga ay para maging in ka. Nandyan ang Jejemon, Gay Lingo, salitang-kanto at iba pang mga imbentong paraan ng pagsasalita. 
      Mahirap mang baguhin ng sistemang ito ngayon ang uri ng pagpapahayag ng damdamin ating kapwa o maging sa dayuhan ay layunin pa rin namin na ipahayag muli ang benepisyo o kahalagahan ng tama o akmang paraan ng paggamit ng wikang Filipino. Hindi man kami eksperto sa larangang ito ay maibabahagi pa rin namin sa inyo lalo na sa  mga susunod na henerasyon kung ano ang tama at nararapat. 
      Ang pangunahing benepisyo ng pagsusulong ng paggamit ng tamang wikang Filipino ay mapanatili ang tama o talagang akma ang ating sinasabi o ipapahayag at naaayon sa tamang pamantayan ng wikang Filipino. Sa kabuuan, inaasahan naming matututunan ng mga bata ang kahalagahan ng tamang gramatiko at pagsasa-ayos ng mga pangungusap upang lalong mapagtibay ang ating wika. Inaasahan din namin na maiwasan ang madalas na paggamit ng mga likhang-wika. Mas mainam pa rin na panatilihin, ibahagi at isapuso ang tamang paggamit ng wikang Filipino dahil hindi lamang ito pagyakap sa isang bahagi ng ating kultura, kundi isa rin itong simbolo ng ating Pagka-Pilipino at repleksyon din ng ating pag-uugali bilang isang Pilipino. 
      Nais lang rin naming ipahayag na sa adbokasiyang aming napili ay wala kaming layong masama. Nirerespeto namin ang mga taong gumagamit ng mga lenggwaheng "gay lingo' at "jejemon". Nirerespeto rin namin ang mga taong parte ng organisasyong LGBT. Inuulit po namin, wala po kaming masamang layunin sa adbokasiyang ito.